Photo courtesy of BOC
Lumagda sa kasunduan ang Bureau of Customs o BOC at Philippine Chamber of Customs Brokers, Inc. o PCCBI para palakasin ang integridad, pananagutan at modernisasyon sa serbisyo ng adwana.
Pinirmahan nina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at PCCBI National President Atty. Norberto Castillo ang kasunduan noong Oktubre 16, sa ika-34 na pambansang kumbensiyon ng PCCBI.
Sa ilalim nito, magsasagawa ng mga programa sa propesyonal na etika at pananagutan sa mga pantalan at sangay ng PCCBI sa buong bansa. Makikipagtulungan din sa mga paaralang nag-aalok ng Customs Administration para itaguyod ang etikal na serbisyo sa mga magiging customs professional.
Binigyang-diin ni Nepomuceno ang papel ng mga kawani at pribadong sektor sa reporma. Isinusulong din ng BOC ang Customs Processing System para awtomatikong maproseso ang mga dokumento, assessment, pagbabayad at pagpapalabas ng mga kargamento.