Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang mga operasyon at koordinasyon sa ibang bansa laban sa mga transnational crime.
Kasunod ito ng ika-20 ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime na ginaganap sa bansa mula October 19 hanggang October 21.
Kabilang sa tinalakay rito ang human trafficking, cybercrime, iligal na droga, money laundering, at pagpupuslit ng armas.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., ipatutupad ang mga napagkasunduan sa pamamagitan ng mas pinaigting na intelligence-sharing at coordinated operations para sa seguridad sa mga komunidad.
Aniya, mabilis magbago ang mga kriminal na network, kaya kailangang mas mabilis din ang PNP.
Mahalaga rin aniya, ang real-time na palitan ng impormasyon ng mga pulisya sa ASEAN dahil nakaiiwas sa pag-aresto ang mga suspek sa paglipat-lipat ng bansa.
Bukod dito, nagkaroon din ng konsultasyon sa China, Japan, at South Korea laban sa online sexual abuse and exploitation of children, kabilang ang paggamit ng artificial intelligence.