Dumipensa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdaan ng US Warship na USS Charleston malapit sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y makaraang almahan ng People’s Liberation Army ang pagdaan ng naturang barko sa nasabing karagatan nang wala umanong permiso mula sa kanila.
Ayon kay AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad, walang hurisdiksyon ang China sa Spratly Islands.
Ipinaalala pa ni Trinidad, binura ng Permanent Court of Arbitration at International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ang claim dito ng China sa ilalim ng 2016 Arbitral Award.
Binigyang diin pa ni Trinidad, na isa ang Escoda o Sabina Shoal sa mga maritime feature na nasa hurisdiksyon ng Pilipinas.
Sa halip, tinawag ng AFP ang presensya ng USS Charleston bilang Freedom of Navigation ng magkakaalyadong bansa.
Batay sa pinakahuling monitoring ng AFP mula Oktubre 13 hanggang 19, dalawang Chinese warship ang namataan malapit sa Escoda shoal na bahagi ng 31 Chinese vessels na namataan sa nabanggit na panahon.