Pinaigting ng Department of Social Welfare and Development–Disaster Response Management Bureau (DSWD-DRMB) ang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño at iba pang kalamidad.
Sa buwanang preparedness meeting nitong Oktubre, inassess ang mga early warning system, plano sa emergency assistance, at kahandaan ng mga relief goods, mobile kitchen, mobile command center, water tanker, at Quick Response Teams.
Binigyang-diin din ang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan para matugunan ang posibleng kakulangan sa tubig, suplay ng pagkain, at epekto sa kabuhayan.
Ayon kay DRMB Director Maria Isabel B. Lanada, mahalagang manatiling handa dahil maaari pa ring magkaroon ng malakas na pag-ulan at iba pang matitinding kondisyon ng panahon sa kabila ng El Niño.
Binigyang-diin din niya ang wastong paggamit ng mga water filtration kit ng DSWD at ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, para matukoy ang mga mapagkukunan ng tubig at maturuan ang mga komunidad sa tamang paggamit ng mga ito.