Patuloy na binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sitwasyon sa Milan, Italy.
Ito’y kasunod ng mga demonstrasyong nauwi sa sagupaan sa pagitan ng mga pulis at ilang nagpoprotesta noong Linggo, October 18, 2026.
Ayon kay Labor Attaché Margarita Eugenia Fabon Victorino-Marquez, mahigpit na sinusubaybayan ng MWO Milan ang sitwasyon doon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa lugar.
Batay sa paunang ulat, may mga insidente ng paghahagis ng bato, paninira sa mga tindahan at pagsusunog ng mga basurahan malapit sa Piazza Duomo, at gumamit din umano ng tear gas ang mga pulis upang makontrol ang gulo.
Sa ngayon, wala pang kumpirmadong impormasyon na may overseas Filipino workers (OFWs) na nasaktan o direktang naapektuhan ng mga insidente.
Nakikipag-ugnayan ang MWO Milan sa mga kinauukulang awtoridad upang makakuha ng karagdagang impormasyon.
Kasunod nito, pinapayuhan ang mga manggagawang Pilipino na:
- Manatiling mapagmatiyag at umiwas sa mga lugar na may demonstrasyon o kaguluhan, kabilang ang matataong pampublikong liwasan.
- Huwag lumapit o makilahok sa mga pagtitipong maaaring mauwi sa karahasan.
- Sundin ang mga abiso at tagubilin ng mga lokal na awtoridad.
- Subaybayan ang mga opisyal na anunsyo ng mga awtoridad ng Italya, ng mga tanggapan ng Pilipinas sa Italya, at ng MWO Milan para sa mga bagong impormasyon at paalala sa kaligtasan.
Para sa mga nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan ang mga OFW sa MWO Milan para sa mga katanungan o pangangailangan ng tulong kaugnay ng sitwasyon.