Pinapanukala ni Senador Mark Villar ang panukalang batas na magmamandato sa pagbibigay ng libreng Health Maintenance Organization (HMO) coverage sa mga empleyado ng pamahalaan.
Sa Senate Bill No. 258, layong dagdagan ang kasalukuyang Health Insurance Benefits ng mga kawani ng gobyerno para mas mapalawak ang access nila sa serbisyong medikal at mabawasan ang personal na gastos sa pagpapagamot.
Sa paghahain ng panukala, sinabi ni Villar na maaaring hindi sapat ang coverage ng PhilHealth para matugunan ang lahat ng gastusing medikal ng mga government employees, lalo na sa mga emergency at malulubhang sakit na nangangailangan ng pagpapaospital.
Dahil dito, maaaring mapilitan ang mga empleyado na gumastos mula sa sariling bulsa, na posibleng magdulot ng dagdag na pasanin sa kanilang pamilya.
Inaasahan ding makatutulong ang libreng HMO coverage para mahikayat ang mga nagtratrabaho sa gobyerno na magpakonsulta nang maaga, makatanggap ng kinakailangang gamutan at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Giit ni Senator Mark, mahalaga ang kalusugan at kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno para mapanatili ang kanilang productivity at masiguro ang mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko.