Inaalam ng Philippine National Police (PNP) kung may iba pang politikong sangkot sa Laos drug shipment, bukod sa dating BARMM Parliament member na si Edrieza Nasser Rimbang.
Ayon kay PNP-CIDG Director PMGen. Robert Morico II, kailangan pa itong silipin, at mas mahabang imbestigasyon din ang kailangan bago matumbok ng PNP Drug Enforcement Group ang nasabing anggulo.
Pero sinabi ni Morico na isasama rin sa isusumiteng case build-up, ang resulta ng pagsusuri kung may kaugnayan ang nagdaang administrasyon sa usapin ng nasabing nasabat na droga sa Laos.
Matatandaang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na walang ebidensyang nag-uugnay sa pamilya Duterte sa shipment.
Sinabi rin ni Morico na malapit ng mabuo ang kwento ng transaksyon.
Umabot na sa 40 ang inilabas na subpoena ng CIDG, pero apat na persons of interest pa ang hinahanap, kabilang si Rimbang na pinaniniwalaang financier ng ilegal na droga.
Kabilang din sa mga person of interest si Police Master Sergeant Aileen Jayne Mendoza ng Aviation Security Group.