Pinaghahanda na ng National Electrification Administration (NEA) ang mga electric cooperative sa Luzon sa posibleng epekto sa kanilang pasilidad ng Super Typhoon Rosal.
Nitong Martes, nagkasa na ng emergency coordination meeting ang NEA Disaster Risk Reduction and Management Department para talakayin ang mga hakbang sa paghahanda habang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal sa ilang bahagi ng Luzon.
Bilang bahagi ng paghahanda, inatasan ang mga electric cooperative na magsumite ng regular na ulat sa NEA-DRRMD sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Kabilang din sa mga hakbang ang pag-activate sa Emergency Response Organization (ERO) kung kinakailangan para agad na maipatupad ang nararapat na emergency response plan.
Pinatitiyak din ng NEA na sapat at nakahanda ang mga buffer stock na kakailanganin sa pagkukumpuni at pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente.
Patuloy ding pinapayuhan ang mga electric cooperative na subaybayan ang lagay ng panahon sa pamamagitan ng PAGASA at sumunod sa mga alituntunin sa NEA Memorandum No. 2025-13 hinggil sa pag-activate ng NEA-PHILRECA-EC Task Force Kapatid.
📸 NEA

