Hinimok ni Senador Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ideklarang “persona non grata” si Chinese Ambassador Jing Quan o kaya ay hilingin na bawiin ang pagkakatalaga nito sa Pilipinas.
Sa inihaing proposed Senate Resolution 746 ng senador, kinundena nito ang pahayag ni Jing noong October 15 na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng pwersa laban sa Pilipinas.
Pinunto sa resolusyon ang mga insidente ng pangha-harass at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea kabilang na ang paggamit ng water canon laban sa mga sasakyang pandagat ng bansa, pagharang sa paglikas sa isang may sakit na mandaragat at iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Binanggit din ni Hontiveros ang paghamon ng Chinese Embassy sa mga mambabatas na nagsusulong na ideklarang “persona non grata” ang ambassador kasabay ng babala na mas marami pang opisyal ng Pilipinas ang pagbabawalang pumasok sa China, Hong Kong, at Macau.
Bagamat kinikilala sa resolusyon ng kapangyarihan ni Pangulong Marcos na magpatakbo ng ugnayang panlabas ng bansa layon pa rin nitong ipaabot ang pagtutol ng Senado sa aniya’y hindi diplomatikong asal ng Chinese envoy.

