Nagbabala ang South Korea ng mga karampatang hakbang sakaling ituloy ng North Korea ang mga planong pang-uudyok malapit sa kanilang border.
Ginawa ng Seoul ang pahayag makaraang ianunsyo ng Pyongyang ang plano nitong pagde-deploy ng karagdagang tactical strike weapons sa Military Demarcation Line at pagpapatuloy ng loudspeaker broadcast na nakatutok sa South Korea.
Sa isang pahayag nitong Martes, iginiit ng Defense Ministry ng Seoul na ang sarili nitong broadcast at warning shots sa border ay “legitimate defensive measure” mula sa mga panghihimasok ng mga sundalo ng North Korea sa teritoryo ng South Korea.
Sakaling gamitin ng Pyongyang ang mga hakbang na ito upang palalain ang probokasyon sa border, “resolute punishment” ang isasagot anila rito ng South Korea.
Maaalalang uminit muli ang tensyon sa border ng dalawang Korea nitong mga nakaraang linggo matapos na masabugan umano ng North Korean land mines ang tatlong sundalong South Korean na nagpapatrolya sa border noong nakaraang buwan.