Nagbabala si Senador JV Ejercito sa posibleng foreign propaganda na layong paghati-hatiin ang mga Pilipino sa gitna ng tension sa West Philippine Sea.
Sa pagtalakay ng Senate sa Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng Department Of National Defense (DND) binahagi ni Ejercito na umabot agad sa limang daang komento sa loob lang ng pitong minuto ang natanggap ng kanyang social media post bilang tugon sa pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Dahil dito, nakwestiyon ng senador kung may organisadong propaganda operations bang layong pagwatak-watakin ang mga Pilipino sa usapin ng ating soberanya.
Kinumpirma naman ni Defense Secretary Gibo Teodoro na gumagamit ang China ng influence at propaganda activities sa ilalim ng United Front Work, na aniya’y haligi ng Chinese communist party.
Paalala ni Teodoro kailangang manindigan ng Pilipinas laban sa mga pag-aangkin ng China sa pinagtatalunang teritoryo para hindi manaig at maging normal sa publiko ang kanilang naratibo.
Samantala, nilinaw ni Ejercito na hindi ang mga Tsino ang kanyang tinututulan kundi ang mga kilos ng gobyerno ng China na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas. Giit ng senador, maaaring igalang at panatilihin ang pakikipagkaibigan sa mga Tsino habang matatag na ipinagtatanggol ang karapatan ng ating bansa.