Isinusulong ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang pagpapawalang-bisa sa umiiral na AFP Modernization Law para mapalitan ito ng mas angkop na paraan ng pagpapalakas ng kakayahang militar ng Pilipinas.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni Teodoro na nakabatay pa sa kondisyon noong 1990s ang kasalukuyang batas, kabilang ang 15-year roadmap na hindi na aniya akma sa kasalukuyang pangangailangan ng Sandatahang Lakas.
Sa halip na sumunod sa isang takdang panahon, nais ng kalihim na ibatay ang modernisasyon sa aktwal na pangangailangan at kakayahan ng pamahalaan na pondohan ang programa.
Paliwanag ni Teodoro, ipinagpapalagay ng kasalukuyang roadmap na tuloy-tuloy ang paglalaan ng pondo kahit hindi ito garantisado.
Bilang resulta, may mga proyektong kinailangang kanselahin dahil lipas na ang mga ito. Suportado na aniya ng ilang mga senador ang panukala.