Hinimok ng pamahalaan at ng publiko ni University of the Philippines (UP) Resilience Institute Executive Director Mahar Lagmay na palakasin ang pagbabantay sa mga pinagkukunan ng tubig sa ilalim ng lupa o groundwater monitoring, sa halip na umasa lamang sa lebel ng tubig sa mga dam bilang paghahanda sa banta ng matinding El Niño.
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas, nagbabala si Lagmay na ang labis o sobrang pag-hihigop ng tubig mula sa ilalim ng lupa ay maaaring magdulot ng seryosong problema tulad ng kakapusan sa tubig at pagbaba o paglubog ng kalupaan (sinking of the ground).
“Kapag humuhugot tayo ng tubig mula sa ilalim, ang nangyayari naman, ang ating kalupaan ay bumabagsak o iyong tinatawag na sinking of the ground,” ani Lagmay.
Ibinigay niyang halimbawa ang nangyayari sa Bulacan, kung saan ang labis na pagbomba ng groundwater para sa mga fishpond at industrial areas ay nagiging sanhi ng paglubog ng lupa nang hanggang 11 sentimetro kada taon. Aniya, sa loob ng sampung taon ay aabot ito ng mahigit isang metro, na maaari ring maging dahilan upang pumasok ang tubig-dagat at bahain ang mga coastal areas.
Sa kabila nito, nilinaw ni Lagmay na ang Metro Manila ay nasa paborableng posisyon upang makayanan ang inaasahang tagtuyot. Batay sa pagsusuri sa lebel ng tubig sa Angat Dam sa nakalipas na 12 taon, nakapagtala ang dam ng pinakamataas na antas nito para sa parehong panahon noong Oktubre 12 bunsod ng mga nakaraang pag-ulan mula sa hanging habagat, na nagpuno rin sa La Mesa Dam sa Quezon City.
Ang Angat at La Mesa dams, na kasalukuyang puno, ang nagtutustos ng humigit-kumulang 90 porsiyento ng suplay ng tubig-inom sa Metro Manila.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Lagmay ang mga mamamayan na huwag magsayang ng tubig habang naghahanda sa posibleng pagbaba ng mga pag-ulan sa unang bahagi ng taong 2027. Iminungkahi niya sa mga kabahayan na simulan na ang pagtitipid, tulad ng pagpapaikli ng karaniwang limang minutong paligo nang hanggang kalahati.
Iginiit din niya na ang pagtitipid ng mamamayan ay dapat samahan ng mahigpit na pagmamanman ng pamahalaan sa mga reserbyang tubig at groundwater supplies, lalo na sa mga lugar na mas nanganganib sa matinding tagtuyot. Ayon sa kaniya, mahalaga rin ang pangangalaga sa mga kagubatan at ang pagpapanatiling malinis sa mga likas na pinagkukunan ng tubig upang matiyak ang sapat na suplay ng ibabaw at ilalim ng lupang tubig.
“Habang lamang pa tayo, para example dito sa Luzon na alam nating mataas ang tubig ng ating mga dam, for Metro Manila, ay dapat magtipid na po tayo ngayon,” pagtatapos ni Lagmay.