Nag-ikot sa University Belt o U-Belt area sa Maynila ngayong araw ang National Telecommunications Commission (NTC) para ipagpatuloy ang pagsusuri sa kalidad at performance ng mga mobile network.
Layunin nitong matukoy ang kalidad at pagiging maaasahan ng mobile services sa lugar, kung saan umaasa ang maraming estudyante sa internet para sa online learning.
Ayon sa NTC, sentro ng pagsusuri ang tatlong mobile network operator na DITO, Globe, at Smart para malaman kung natutugunan ng mga ito ang Quality of Service standards na itinakda ng komisyon.
Sa pagsusuri, gagamit ang NTC ng mga testing device para sukatin ang lakas ng signal, bilis ng pag-download at pag-upload, ping, at jitter. Susubukan din ang pagpapadala ng text message at pagtawag upang masukat ang kalidad ng mga serbisyo.
Pagkatapos nito, susuriin muli ng mga engineer ng NTC ang mga nakalap na resulta, kasama ang eksaktong lokasyon ng bawat test, para matukoy ang performance ng bawat mobile network operator.
Matatandaang nitongSetyembre ay nagpataw ng multa ang National Telecommunications Commission (NTC) sa tatlong mobile network operators dahil sa mahinang mobile broadband services sa ilang bahagi ng Metro Manila.