Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ang Nihilistic Violent Extremism (NVE) ay isang “malinaw at umiiral na panganib” (clear and present danger) sa mga kabataang Pilipino, kasabay ng paghahanda ng pamahalaan sa pagbuo ng mga bagong patakaran upang tugunan ang nasabing banta sa cyberspace.
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso na naglabas ng direktiba si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Robert Joseph “Jay” de Claro para sa agarang pagpupulong ng CICC upang seryosong talakayin ang isyu.
“Ikinokonsidera ito [ni Secretary de Claro] na isang clear and present danger na nandito na talaga ang NVEs at kailangan nating tutukan ‘to dahil ang binibiktima nito iyong mga kabataan natin,” pahayag ni Paraiso.
Ang konseho, na pinamumunuan ng Kalihim ng DICT, ay binubuo rin ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), pati na rin ng mga katuwang sa pribadong sektor mula sa akademya at iba’t ibang non-government organizations (NGOs). Layunin ng nasabing pagpupulong na makabuo at magpatupad ng mga estratehikong polisiya laban sa cybercrime at NVE.
Babala sa mga Scam ngayong Pasko
Samantala, nagpaalala rin si Paraiso sa publiko na maging maingat laban sa inaasahang pagdagsa ng iba’t ibang uri ng mga scam ngayong holiday season. Aniya, karaniwang tumataas ang mga insidente ng shopping scam, delivery scam, at romance o “love scams” tuwing sasapit ang Kapaskuhan.
“Tayo mga Pilipino, kapag Pasko, nagsha-shopping tayo para sa mga mahal natin sa buhay. Gustung-gusto natin mga discount na buy one take 10, 80-percent discount, ayan. Too good to be true, diyan tayo madadali niyan,” ani Paraiso.
Bilang hakbang laban dito, ilulunsad ng CICC sa mga susunod na araw ang kanilang kampanyang tinaguriang “12 Scams of Christmas” upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko sa mga red flags at tamang hakbang sakaling mabiktima ng online fraud.
Para maiwasan ang pagiging biktima, hinimok ni Paraiso ang publiko na isapuso ang tinatawag na “Four M’s”:
- Maging mapagmatyag sa mga transaksiyon at alok sa internet.
- Mang-snub o huwag pansinin at iwasan ang mga kahina-hinalang tawag at mensahe.
- Maging madamot sa impormasyon, lalo na sa mga sensitibong personal na detalye at One-Time Passwords (OTPs).
- Mag-report agad sa mga kinauukulang awtoridad upang mapigilan at mailigtas ang iba pang posibleng mabiktima sa hinaharap.