Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang OFW ang nasawi matapos ma-intercept ng air defense system ng Saudi Arabia ang isang drone na tangkang umatake sa pasilidad ng Saudi Aramco sa Shaybah oilfield noong Miyerkules, October 21.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, lulan ng isang sasakyan ang OFW nang tamaan ito ng mga projectile mula sa na-intercept na drone.
Bukod sa Pilipino, nasawi rin ang isang Nepali, habang sugatan ang isang Pakistani at isang Indian.
Nakausap na rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ng nasawi, at tiniyak ang tulong ng pamahalaan, kabilang ang pagpapauwi sa kanyang labi at ayuda sa mga naiwang kaanak.
Sa ngayon, wala pang ipinatutupad na deployment ban o pagtataas ng alert level para sa mga OFW sa Saudi Arabia.
Samantala, nakatakdang bumiyahe patungong Dammam ang 49 na OFW mula Riyadh matapos payagan ng Saudi authorities, bilang bahagi ng kanilang pag-uwi sa bansa.