Nilinaw ng Philippine Ports Authority o PPA na mga kumpanyang pag-aari ng mga Pilipino ang nakakuha ng ₱2.27 billion na kontrata para sa pagtatayo ng offshore wind port sa Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa PPA, iginawad ang proyekto sa joint venture ng Khan Kon Chi Construction and Development Corporation at SB Construction Corporation, na parehong wholly Filipino-owned companies.
Itinanggi rin ng ahensya ang mga ulat na ibinigay ang proyekto sa isang Chinese company.
Binigyang-diin ng PPA na bagong pantalan ang itatayo sa Barangay Pambujan at hindi rehabilitasyon o pagpapaganda ng dati nang pantalan.
Gagamitin ang pasilidad para sa mga kagamitan at mabibigat na makinaryang kailangan sa mga offshore wind energy project.
Nilinaw din ng PPA na konstruksiyon lamang ang saklaw ng kontrata at hindi pagbebenta, pagsasapribado o paglilipat ng pagmamay-ari ng pantalan sa anumang pribado o dayuhang kumpanya.
Tiniyak ng ahensya na dumaan sa tamang proseso ng government procurement ang paggawad ng kontrata.