Inaprubahan ng Supreme Court o SC ang bagong panuntunan na magbibigay ng pinansyal at iba pang suporta sa mga organisasyon ng mga abogadong tumutulong sa mahihirap at marginalized sectors.
Sa ilalim ng Rules on Institutionalizing Support for Developmental and Social Change Lawyering, pormal nang kinikilala ang mga abogadong nakatuon sa pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo, magsasaka, mangingisda, kababaihan at iba pang sektor na limitado ang access sa serbisyong legal.
Maaaring makatanggap ng financial assistance, exemption sa legal fees at proteksyon laban sa mga kasong ginagamit upang patahimikin ang mga public interest lawyer ang mga kwalipikadong organisasyon.
Kailangang hindi bababa sa limang taon nang nag-ooperate ang isang nonprofit organization upang maging kuwalipikado sa accreditation.
Hindi bababa sa 60 porsyento ng matatanggap na financial grant ang ilalaan sa sahod at benepisyo ng mga abogado at iba pang tauhan.
Ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen, layunin ng bagong panuntunan na kilalanin ang public interest lawyering bilang isang lehitimong propesyon at palawakin ang access sa hustisya ng mga mahihirap.
Magkakabisa ang bagong panuntunan matapos matugunan ang mga kinakailangan sa publikasyon nito.