NCRPO
Tiniyak ng National Capital Region Police Office o NCRPO na walang sasantuhin at gagamitin nila ang buong pwersa ng batas laban sa mga sangkot sa pangaabuso, eksploytasyon, at human trafficking ng mga bata.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, ito kasunod ng pagkahuli sa Aurora ng isang 32-taong gulang na babaeng suspek sa kaso ng human trafficking ng mga menor de edad—kabilang ang nawawalang walong buwang gulang na kambal mula sa Taguig City.
Inatasan na ang lahat ng unit ng pulisya na agad aksyunan ang mga ulat patungkol sa mga bata at makipag-tulungan sa mga social worker, prosecutor, at Women and Children Protection Desks.
Panawagan din ni PBGen. Abrahano sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang hinala o kaso ng pangaabuso sa kabataan upang agad itong maaksyunan. | ulat ni Louisa Erispe