Pinabulaanan ng Department of Energy o DOE na may pinapaburan silang kumpanya sa mga bagong alituntunin sa bidding para sa coal exploration sa bansa.
Paliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin, kinailangang baguhin ang rules para sa mga brownfield project o mga lugar na may napatunayan nang imbakan ng karbon dahil sa mga ligal, teknikal, at pampinansyal na usapin.
Pero giniit naman ni Garin na patas at pareho ang patakaran para sa lahat ng gustong sumali.
Inaasahang magsisimula ang proseso ng bagong bidding ngayong buwan habang sa November o December naman ang ebalwasyon.
Ang paglilinaw naman ng DOE ay kasunod ng pagkansela sa naunang bidding para sa mga lugar sa Antique, Cagayan, at Isabela kabilang ang Semirara Island kung saan may hawak na kontrata ang Semirara Mining and Power Corporation. Nagreklamo ang Semirara na hindi sila naabisuhan nang maayos sa pagbabago ng rules ng bidding. | ulat ni Louisa Erispe