Maaaring i-invoke ng Pilipinas ang ASEAN Treaty on Extradition upang mapauwi ang Pilipinong detainee sa Laos na umano’y sangkot sa 521-kilong shabu shipment sa Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima sa briefing ng House Committee on Dangerous Drugs.
Ayon kay De Lima, bagama’t walang bilateral extradition treaty ang Pilipinas at Laos, maaari namang gamitin ang mga probisyon ng ASEAN extradition treaty upang hilingin ang pagpapauwi sa naturang Pilipino, lalo na kung mayroon itong mahalagang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon at pag-uusig sa kaso.
Maaari rin aniyang gamitin ang mekanismo ng mutual legal assistance sa pagitan ng dalawang bansa upang makakuha ng impormasyon at iba pang ebidensyang kailangan sa imbestigasyon.
Samantala, tiniyak ni Atty. Josie Christina Dugay ng Department of Justice (DOJ) na handa ang kagawaran na tumulong sa pagkuha ng kinakailangang impormasyon mula sa mga awtoridad ng Laos, kahit wala pang pormal na kahilingan para sa mutual legal assistance.
Ayon kay Dugay, mayroon nang ilang impormal na komunikasyon kaugnay ng posibleng tulong na maibibigay sa mga law enforcement agency na nagsasagawa ng imbestigasyon.