Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Sa gitna ng banta ng El Niño, sinimulan na ring i-roll out ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang community-based water filtration system sa Tondo, Maynila.
Ayon sa DSWD, sa tulong ng community water depot, mas mapapalapit na sa mga residente ng Barangay 105, Zone 8, Tondo, Manila, ang access sa malinis na tubig.
May kapasidad na 2,000 litro ang tangke nito at idinesenyo para makapagpuno ng 20 litrong lalagyan sa loob ng 20 minuto.
Katuwang ang non-government organization (NGO) na Waves For Water, nagsagawa ang kagawaran ng orientation at demonstration sa tamang paggamit, paglilinis, at pangangalaga ng water filtration system.
Lubos naman ang pasasalamat dito ng mga residente na inaasahang makakatulong sa pangangalaga ng kalusugan at kapakanan ng kanilang komunidad.
Target naman ng DSWD na palawakin pa sa iba pang rehiyon ang naturang proyekto.