Napigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-alis ng tatlong lalaking Pilipino na umano’y na-recruit para sa trabahong militar at pagiging border guard sa Eastern Europe matapos matuklasan na hindi tugma sa kanilang idineklarang pakay sa paglalakbay bago ang nakatakda nilang pag-alis sa Davao International Airport noong Oktubre 17, 2026.
Kinilala ang tatlong lalaki sa mga alyas na “Johnny,” 25; “Berting,” 51; at “Tappy,” 50. Una nilang sinabi na patungo sila sa Thailand upang lumahok sa isang paligsahan sa Muay Thai o magsilbing coach nito.
Gayunman, sa masusing pagtatanong, lumitaw umano na balak nilang magtungo sa Eastern Europe matapos silang alukin ng trabahong sundalo o border guard na may buwanang sahod na ₱200,000.
Ayon sa kanilang mga salaysay, sina “Alexander” at “Oleg” ang umano’y gumastos para sa kanilang biyahe at nag-ayos ng kanilang recruitment. Sinabi rin ng ilan sa kanila na nakilala nila ang mga recruiter sa pamamagitan ng Facebook at Telegram.
Ibinunyag din umano ng mga lalaki na ipinangakong ibibigay sa kanila ang kanilang electronic visa para sa Europa habang nasa Thailand.
Samantala, isiniwalat ng isa sa kanila na noong Oktubre 13, una silang inutusang bumiyahe sa pamamagitan umano ng isang “backdoor” na ruta sa Zamboanga. Kalaunan, binago ang plano at itinakda ang kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng eroplano mula sa Davao.
Itinurn-over ang tatlong lalaki sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Davao International Airport para sa karagdagang imbestigasyon sa kanilang recruitment at nilalayong trabaho sa ibang bansa.
Binigyang-diin ni Commissioner Viado ang kahalagahan ng pag-iingat sa pagtanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa, lalo na kung kahina-hinala ang mga plano sa paglalakbay o hindi malinaw ang mga kondisyon ng trabaho.
“Dapat mag-ingat ang mga Pilipino sa mga recruiter na nangangako ng mataas na sahod ngunit hindi malinaw ang mga kaayusan sa trabaho o kahina-hinala ang mga plano sa paglalakbay. Bago tanggapin ang anumang alok na trabaho sa ibang bansa, tiyaking lehitimo ang employer at recruitment agency sa pamamagitan ng pagberipika sa Department of Migrant Workers,” ayon kay Viado.
Dagdag pa niya, patuloy na makikipagtulungan ang BI sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan ang illegal recruitment at maprotektahan ang mga Pilipino laban sa posibleng pagsasamantala.
Muling tiniyak ng BI ang patuloy na pagpapalakas ng inspeksiyon sa mga paliparan at pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya upang matukoy ang mga kahina-hinalang biyahe at mapigilan ang posibleng pagsasamantala sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Bahagi ang insidente ng pagsisikap ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na protektahan ang mga Pilipino laban sa ilegal na rekrutment at posibleng human trafficking.