Itinutulak ng mga mambabatas mula National Unity Party (NUP) ng panukalang Advanced Industries Development Act (AIDA) upang itatag ang isang advanced industries zone sa New Clark City, Tarlac, alinsunod sa layuning mapakinabangan ng Pilipinas ang Pax Silica initiative.
Sa ilalim ng panukala, bubuuin ang Advanced Industries Development Authority na mangangasiwa sa 1,350 ektaryang zone na inaasahang magiging sentro ng advanced manufacturing at teknolohiya.
Itatakda nito ang minimum na ₱15 bilyong investment para sa bawat kuwalipikadong negosyo.
Upang makahikayat ng mga mamumuhunan, bibigyan ang mga kuwalipikadong negosyo ng mga insentibo sa buwis, habang magkakaroon ang sona ng sariling sistema ng suplay ng kuryente at tubig.
Ayon kay NUP Chairperson at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno, naniniwala ang kanilang partido na isa ang panukalang batas sa mga susi sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa at isusulong nila ang agarang pagsasabatas nito.
Katunayan, inaasahan aniyang makahihikayat ang proyekto ng malalaking lokal at dayuhang pamumuhunan at makalilikha ng hindi bababa sa 150,000 trabaho para sa mga Pilipino.
Giit ng mga may-akda, mahalagang samantalahin ng bansa ang oportunidad sa mga industriyang may kaugnayan sa artificial intelligence at advanced manufacturing upang mapalakas ang ekonomiya at makalikha ng mas maraming trabaho.