Nilinaw ng Department of Foreign Affairs o DFA na walang umiiral na kasunduan ang Pilipinas sa Taiwan para sa pagprotekta sa mga undersea communications cable at pagharang sa mga tinatawag na gray-zone tactics ng Tsina sa karagatan.
Ito ay kasunod ng napaulat na pahayag ni Philippine Deputy Chief of Mission in Washington Felipe Cariño III, kung saan sinabi nitong nag-e-explore umano ng praktikal na kooperasyon ang bansa at ang Taiwan para sa seguridad ng mga pasilidad sa Bashi Channel.
Pinalagan ng DFA ang pahayag na ito at muling iginiit na nananatiling tapat at mahigpit na sumusunod ang Pilipinas sa One China Policy.
Paliwanag ng ahensya, ang pakikipag-ugnayan lamang ng bansa sa Taiwan ay nakatuon sa ekonomiya at people-to-people engagements, kabilang ang pangangalaga sa humigit-kumulang dalawang daang libong (200,000) OFW na nagtatrabaho doon. | ulat ni Louisa Erispe