Nagpahayag ng pagkabahala ang House prosecution panel sa sunod-sunod na kasong isinampa laban sa mga organisasyon at personalidad sa media, kabilang ang GMA-7 at beteranong mamamahayag na si Philip Lustre.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, itinuturing nilang pag-atake ito sa kalayaan sa pamamahayag at hindi dapat payagan na maulit ang mga nangyari sa ABS-CBN at Rappler.
Handa rin aniya silang makipag-ugnayan sa mga kapwa mambabatas upang isulong ang isang joint resolution na magpapahayag ng pagkabahala sa mga kasong isinampa laban sa mga mamamahayag.
Punto niya, mahalagang magkaroon ng malinaw na hangganan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga mamamahayag, lalo na kung ang kanilang mga ulat ay nakabatay sa aktuwal na impormasyon at bahagi ng kanilang tungkulin sa pamamahayag.