Buong-pusong sinusuportahan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Senate Bill No. 2281 o ang National Reintegration Act na inihain ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., layunin ng panukalang batas na pag-isahin ang tulong ng buong pamahalaan para sa mga nakalayang bilanggo o Persons Restored to Liberty (PRL).
Magpapatibay din ito sa umiiral na Blue, White, and Red Ribbon Program ng ahensya upang mabigyan ng oportunidad sa trabaho, kabuhayan, at bagong pag-asa ang mga nakatapos na sa kanilang sintensya.
Binigyang-diin ni Catapang, na bagamat hindi pangunahing mandato ng BuCor ang reintegration, kusa nila itong ginagawan ng paraan upang matiyak na makapagbagong-buhay at maging kapaki-pakinabang muli sa lipunan ang mga dating PDL.
Umaasa naman ang BuCor na makakakuha ito ng suporta mla sa kongreso upang tuluyan itong maisabatas.