Mas maraming pulis, K-9 units, sapat na masasakyan at agarang tulong sa mga mai-stranded na pasahero.
Ito ang ilan sa mga pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Executive Secretary Ralph Recto, upang matiyak ang ligtas, maayos, at maginhawang paglalakbay ng milyun-milyong Pilipinong uuwi sa kani-kanilang probinsya sa Undas.
Kaugnay nito, inatasan ng OES ang Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang kaukulang ahensya na ihanda ang kanilang mga tauhan, sasakyan at serbisyo para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, paliparan at terminal sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Partikular na binigyang-diin ni Palasyo ang kahalagahan ng mataas na police visibility, kabilang ang pagde-deploy ng mga pulis at K-9 units sa mga pangunahing transport terminal, pantalan, at iba pang lugar na dinaragsa ng mga biyahero.
Alinsunod dito, pinakikilos din ng OES ang Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang mga patrol, security inspection, at iba pang hakbang laban sa kriminalidad at mga banta sa seguridad.
Iminungkahi rin ni ES Recto na pag-aralan ng mga kinauukulang ahensya ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga driver ng pampublikong sasakyan, alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon, upang makatulong na maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. “Ang gusto ng Pangulo, ligtas ang bawat biyahe at may agarang tulong kapag kailangan. Hindi sapat na maraming masasakyan. Dapat sigurado rin tayong ligtas ang mga pasahero sa kalsada, sa pantalan at sa mga terminal,” -ES Recto.