Nanindigan ang election lawyer na si Romulo Macalintal na labag sa Saligang Batas ang Republic Act No. 12326, na nagtatakda ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE hanggang 2028.
Sa isang 10-pahinang mosyon, hiniling ni Macalintal sa Korte Suprema na agad magsagawa ng oral arguments kasama ang Office of the Solicitor General upang talakayin ang mga isyung nakapaloob sa kaniyang petisyon laban sa naturang batas.
Hiniling din niya sa Korte Suprema na maglabas ng status quo ante order o temporary restraining order upang mapanatili ang dating kalagayan at bigyang-daan ang pagsasagawa ng halalan ngayong taon.
Nais din ni Macalintal na utusan ng Korte Suprema ang Commission on Elections o COMELEC na ipagpatuloy o ibalik ang mga paghahanda para sa nakatakdang halalan.
Ayon kay Macalintal, mapanlinlang ang batas na nagpapaliban sa BSKE.
Una, wala umanong kapangyarihan ang Kongreso na ipagpaliban ang barangay election.
Mapanganib din aniya ito kung hahayaan dahil baka maging bad precedent o magamit upang ipagpaliban din ang national election.