Photo courtesy of DOLE
Tinalakay ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pangunguna ni Secretary Francis Tolentino, kasama ang mga kinatawan ng LinkedIn, ang posibleng pagtutulungan upang mapahusay ang pagtutugma ng mga aplikante sa trabaho at mapalawak ang mga oportunidad sa empleyo sa pamamagitan ng digital technology at datos sa labor market.
Pinangunahan ni LinkedIn Head of Public Sector sa Pilipinas Justin Koh ang delegasyon ng kumpanya sa naturang talakayan.
Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ang pagpapalakas ng PhilJobNet at e-Trabaho, pagtukoy sa mga kasanayang kinakailangan ng mga industriya, at pagpapaunlad ng digital at artificial intelligence o AI-related skills ng mga manggagawang Pilipino.
Layunin ng mga hakbang na ito na matulungan ang mga manggagawa na makasabay sa mabilis na pagbabago ng pangangailangan sa mundo ng paggawa.
Binigyang-diin ni Secretary Tolentino ang kahalagahan ng mas matibay na pakikipagtulungan sa LinkedIn upang magamit ang makabagong teknolohiya sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at pagtugon sa mga hamon sa sektor ng paggawa.
Ayon kay Tolentino, nagbibigay ng pag-asa ang mga inisyatibang ito, lalo na sa mga kabataan, dahil ipinapakita ng mga ito na marami pang oportunidad ang maaaring mabuksan sa tulong ng teknolohiya.