Ikinalugod ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan ang pag-apruba sa mahigit 5,700 na bagong regular positions para sa mga frontline worker ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay Libanan, makatutulong ito upang matiyak ang seguridad sa trabaho ng mga kawani at mapalakas ang pagpapatupad ng programa laban sa kahirapan.
Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang 5,703 bagong posisyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Karamihan sa mga posisyon ay ilalaan sa mga division ng 4Ps sa 17 regional offices ng DSWD.
Paliwanag ni Libanan, matagal nang umaasa ang programa sa mga contractual worker at job order personnel.
Sa pamamagitan ng regularisasyon, magkakaroon ang mga maa-appoint sa mga bagong posisyon ng seguridad sa trabaho, social security protection at iba pang benepisyo.
Diin pa ni Libanan na mahalagang maprotektahan din sa pinansiyal na paghihirap ang mga kawani na nagpapatupad ng programa para sa mahihirap na pamilya.