Tinawag na galawang duwag ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pag-aresto nitong Sabado sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. kaugnay ng kasong isinampa laban dito sa Davao City.
Ayon kay De Lima, nakababahala ang pag-aresto kay Lustre sa gitna ng isang media forum at sa harap ng maraming mamamahayag, isang araw matapos sampahan ng kasong libel at cyber libel ang GMA Network at ilang mamamahayag.
Aniya, tila malinaw ang mensaheng ipinapadala ng mga kasong ito sa mga mamamahayag—na maaari silang isunod na kasuhan kaya mas mabuting manahimik na lamang sa halip na mag-ulat ng mga sensitibong isyu.
Binigyang-diin ni De Lima na ang ganitong mga hakbang ay nagdudulot ng chilling effect sa hanay ng media at nagbabanta sa kalayaan sa pamamahayag.
Una nang binatikos ni De Lima ang hiwalay na kasong libel at cyber libel na isinampa ni Davao City Rep. Paolo Duterte laban sa GMA Network at mga mamamahayag nito dahil sa pag-uulat sa mga alegasyon ng katiwalian.
Giit ng mambabatas, sa halip na pagbantaan o kasuhan ang mga mamamahayag, dapat sagutin ng mga opisyal ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila at harapin ang mga tanong ng media bilang bahagi ng kanilang pananagutan sa publiko.
“Pwede namang sumagot sa mga akusasyon lalo pa’t hinihingi ng media ang kanilang panig. Bahagi ‘yan ng pananagutan sa taumbayan. Napaghahalata na allergic sa mga nag-uulat at naghahangad na malaman kung ano ang totoo, at idinadaan sa galawang pagbabanta at pananakot.” diin ni De Lima.
Hinimok naman ng mambabatas ang mga naghahangad ng katotohanan at pananagutan upang ipagtanggol ang malayang pamamahayag laban sa anumang uri ng pananakot at panggigipit.