Maaga pa para pag-usapan kung mako-convict o mapapawalang-sala si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial hangga’t hindi pa naihaharap ng kanyang kampo ang kanilang mga ebidensya.
Ito ang iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, kasunod ng mga espekulasyong iniatras ng prosekusyon ang tatlong impeachment articles dahil nakakuha na ito ng sapat na boto para sa conviction.
Ayon kay Luistro, ebidensya pa lamang ng prosekusyon ang napakinggan ng Senado, habang sa November 9 pa magsisimulang iharap ng depensa ang kanilang panig.
Tanging Article II na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, na lang ang iniwang artikulo ng prosekusyon.
Paalala ni Luistro, dapat munang mabigyan ng pagkakataon si Duterte na kontrahin ang mga alegasyon at ilahad ang kanyang depensa bago maglabas ng hatol ang mga senador.