Photo courtesy of TESDA
Nilinaw ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Kiko Benitez na hindi siya nagbigay ng pahintulot kaninuman upang mag-alok ng anumang pondo, kabilang ang ₱5 milyon, kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Sa isang statement, nagpasalamat si Secretary Benitez kay Lacson sa agarang pagpapaalam tungkol sa umano’y maling representasyon at nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan upang matukoy ang katotohanan sa likod ng naturang insidente.
Ayon kay Benitez, regular na nakikipag-ugnayan ang TESDA sa mga miyembro ng Senado tuwing panahon ng pagtalakay sa pambansang badyet upang alamin ang kanilang mga katanungan at alalahanin hinggil sa ahensiya. Gayunman, iginiit niyang labag sa mga direktiba ng TESDA ang anumang hindi awtorisadong alok o paglalaan ng pondo na may kinalaman sa mga mambabatas.
Iniutos na rin ng kalihim ang agarang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa anumang hindi awtorisadong hakbang o maling representasyon. Ayon sa kanya, ipapataw ang nararapat na kasong administratibo at kung may sapat na batayan, kasong kriminal laban sa mga mapatutunayang sangkot.
Binigyang-diin ni Benitez na nananatiling mahalaga sa TESDA ang integridad, transparency, at pananagutan sa paglilingkod sa publiko. Aniya, patuloy na magsisikap ang ahensiya na mapanatili ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng tapat at maayos na paghahatid ng mga serbisyo nito.