Iginiit ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na hindi nangangahulugang ligtas na sa pananagutan si Vice President Sara Duterte ang pag-atras ng House prosecution panel sa tatlo sa apat na impeachment articles laban sa bise presidente.
Ayon kay Cendaña, legal strategy ang hakbang upang mapabilis ang resolusyon sa impeachment case, dahil ang patuloy na pagkaantala ay maaaring maging pabor sa respondent at magpahina sa interes ng publiko.
“Napakahalaga kasi noong speedy resolution ng kasong ito…Kapag delayed ang hustisya, this is always in favor of the accused, in this case, the respondent,” paliwanag ni Cendaña.
Binigyang-diin niyang maaari pa ring sampahan ng hiwalay na kaso ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, bribery at grave threats, alinsunod sa umiiral na batas at proseso.
Kabilang sa posibleng aksiyon ang pagsasampa ng kaso kaugnay ng P73.287-milyong confidential expenses ng Office of the Vice President na pinal na ipinawalang-bisa ng Commission on Audit.
Suportado rin ni Cendaña ang panawagang alisin ang pagiging classified ng confidential funds upang masuri ng publiko at mga awtoridad ang paggamit sa pondo.
“So sa dulo, I support yung call to declassify the confidential funds na binigay doon sa vice president nang sa ganon, makita talaga ng ating mga kababayan at nung ating mga awtoridad kung paano talaga nawaldas ang pondong ito,” ani Cendaña.
Samantala, duda si Cendaña na personal na haharap si Duterte sa impeachment trial, sa kabila ng dati nitong pangakong haharap sa mga paglilitis. Aniya, nagkaroon na ng mga pagkakataon ang bise presidente na humarap sa proseso ngunit hindi ito dumalo.