Tiwala ang House prosecution panel na malakas ang kanilang kaso at mga ebidensya laban kay VP Sara Duterte sa kabila ng halos isang buwang pahinga sa kanyang impeachment trial.
Ayon kay House impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers, hindi naniniwala ang prosekusyon na hihina ang kanilang kaso dahil sa naturang pause o break.
Maalalang tinapos ng prosekusyon ang paghaharap ng kanilang ebidensiya noong Oktubre 12 matapos iharap ang financial forensic expert na si Atty. Alexander Cabrera kung saan natukoy ang tinatayang ₱817.87 milyong halaga ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman na sangkot si Duterte at ang kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan sisimulan ng mga defense lawyers ang paghaharap ng kanilang depensa.
Kinilala ni Barbers ang mga pangamba na maaaring makaapekto ang naturang break sa interes ng publiko sa mga paglilitis, lalo na ngayong tapos na ang prosekusyon sa paglalahad ng kanilang mga ebidensiya.
Gayunpaman, hinimok ni Barbers ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga paglilitis sa sandaling magpatuloy ang pagdinig upang mas maunawaan ang mga ebidensiya at ang magiging tugon ng depensa.
Itinanggi rin ni Barbers ang paratang na ang mga paglilitis sa impeachment ay isang uri ng political persecution at iginiit na tungkol sa constitutional accountability.