Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaligtasan ng mga magsisiuwian sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong papalapit na undas.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, binigyang diin ng Pangulo na hindi sapat na masiguro lang na maraming masasakyan ang ating mga kababayan kundi higit sa lahat ay matiyak ang kanilang paglalakbay sa kalsada, sa pantalan, at sa mga terminal ng ligtas.
Kaugnay nito ay pinakikilos din ng Pangulo ani Recto ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na ihanda ang kanilang mga tauhan, sasakyan, at serbisyo para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Kabilang dito ang Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG) gayundin ang Department of Health (DOH), na magbibigay ng kakailanganing asiste sa may 1.5 hanggang 2 milyong pasahero ngayong Undas.
Pinakikilos din ani Recto ng Pangulo ang PNP, upang paigtingin ang patrol, security inspection, at iba pang hakbang laban sa kriminalidad at mga banta sa seguridad.