Maaga pa para pag-usapan ang posibleng kapalit ni Vice President Sara Duterte sakaling mahatulan at maalis siya sa puwesto, ayon kay House impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers.
Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Barbers na desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpili ng papalit sa Bise Presidente kung mabakante ang posisyon.
Naniniwala naman si Barbers na maaaring bunsod ng bigat ng mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon ang espekulasyon tungkol sa posibleng kahalili ni Duterte.
Sinabi ni Barbers na maaaring may mga nagiisip na hahantong sa conviction ang impeachment case dahil sa mga ebidensiyang iniharap laban sa Bise Presidente.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Pangulo ang magmumungkahi ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara kung mabakante ang pagka-bise presidente.
Kailangan namang kumpirmahin ang nominasyon sa pamamagitan ng mayorya ng boto ng lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan, na magkahiwalay na boboto.