Inilarawan ni House impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers si VP Sara Duterte bilang isang bilyonaryong nagpapakita ng simpleng imahe, sa kabila ng mga katanungan tungkol sa kanyang umano’y nakatagong yaman at mga financial transactions.
Ginawa ni Barbers, ang pahayag habang sinusuri ang mga ebidensyang iniharap sa Senate impeachment trial laban kay Duterte kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay Barbers, nais niyang maunawaan nang husto ng publiko ang mga ebidensyang ipinakita sa ilalim ng Article II, ang natitirang kaso ng impeachment laban sa Bise Presidente.
Binanggit niya ang mga rekord ng bangko na nagpapakita ng pinagsamang year-end balances nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio na aabot mahigit 100 million pesos.
Kinuwestiyon niya kung bakit hindi tumutugma ang mga halagang ito sa mga numerong nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo.
Samantala, tinutulan ng depensa ni Duterte ang interpretasyon ng prosekusyon sa mga rekord pinansyal at inaasahang magsisimula silang magharap ng ebidensya sa darating na Nobyembre 9. Wala pang pinal na pasya ang Senate impeachment court ukol sa natitirang reklamo tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman.