Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Muling iginiit ni Marikina City Second District Representative Miro Quimbo ang pangangailangan ng malinaw na protocol sa operasyon ng Upper Wawa Dam upang maprotektahan ang mga komunidad sa panganib ng pagbaha at matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa harap ng inaasahang matinding El Niño.
Kasunod ito ng inter-agency consultation noong October 28 para talakayin ang panukalang mga patakaran sa pamamahala ng dam.
Ayon kay Quimbo, mahalagang magkaroon ng maagang pagpapakawala ng tubig mula sa reservoir at maagap na babala sa mga komunidad sa mga lugar na posibleng bahain.
Gayunman, binigyang-diin niyang kailangang balansehin ang preemptive water release sa pangangailangang mapanatili ang sapat na suplay ng tubig, lalo na’t inaasahang tatagal ang El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Sinusuri rin ng mga kinauukulang ahensiya ang rehabilitasyon ng Old Wawa Dam, gayundin ang pagtatayo ng dalawang dam sa upstream areas at apat na retarding basin sa downstream areas.
Hinimok ni Quimbo ang mga ahensiya na ibatay sa datos at pagtataya ng panahon ang mga desisyon sa operasyon ng dam, kabilang ang dami ng tubig na dapat itabi at ang kakayahan ng reservoir na makabawi matapos ang pagpapakawala nito.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat maisalin sa konkretong hakbang ang mga pag-uusap upang maprotektahan ang mga komunidad na bulnerable sa pagbaha, kabilang ang Tumana at Nangka, habang pinangangalagaan din ang suplay ng tubig.