Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bantay-sarado nila ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe ngayong Undas 2026.
Bilang patunay, sa abiso ng CAAP, naka-heightened alert status ang 44 na paliparan sa bansa na nasa ilalim ng ahensya at magkakaroon ng full deployment ng mga security personnel.
Nagsagawa na rin ng pest control para sa kalinisan ng mga terminal. May naka-standby na emergency personnel at passenger management logistics upang maiwasan ang siksikan sa mga paliparan.
Inaabisuhan naman ang mga pasahero na, kung domestic ang flight, pumunta sa paliparan dalawang oras bago ang mismong flight. Kung international naman, tatlong oras bago ang scheduled flight.
