Ipinanawagan ng Department of Education (DepEd) ang mas malawak na suporta sa mga programa para sa learning recovery ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Ito ang inihayag ni Education Secretary Sonny Angara kasunod ng kaniyang pagbisita sa mga Lungsod ng Iloilo at Bacolod kahapon.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutukan ang pagkatuto sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng Administrasyon.
Tampok dito ang paglulunsad ng BIG BOOK para sa mga nasa Kinder hanggang Grade 3 na nagtatampok ng mga prinsipyo ng circular economy para sa maagang edukasyon ng mga bata.
Dahil sa mga inisyatibo sa learning recovery, sinabi ni Angara na bumaba ang bilang ng mga estudyanteng nahihirapan sa pag-aaral sa buong bansa sa 2.2 milyon na lamang noong School Year 2025-2026 mula sa dating 6.7 milyon.
Upang mapanatili ang magandang simula, humiling ng karagdagang mahigit ₱15 bilyon ang DepEd para sa ARAL Program sa ilalim ng Fiscal Year 2027 budget.
Gagamitin ang pondong ito para sa honoraria ng mga gurong may teaching overload, pagsasanay ng mga tutor, pambayad sa mga external tutor, mga summer program, at mga konsultasyon sa remediation.

