Naniniwala si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na isang kamalian o tila pagpapatiwakal para sa depensa ang pagsalang ni Vice President Sara Duterte bilang saksi sa kanyang sariling impeachment trial.
Ito ang pananaw ni Kapunan nang tanungin ng media sa kaniyang reaksyon sakaling magpasya ang pangalawang pangulo na dumalo na sa kaniyang sariling paglilitis.
Ayon kay Kapunan, para na ring gumawa ng “harakiri” ang legal team ni VP Sara, dahil ang opisyal mismo ang magsisilbing pinakamatibay na ebidensya laban sa kanyang sarili.
Paliwanag pa ni Kapunan, kapag personal na sumalang sa Senado ang Pangalawang Pangulo, makikita ng publiko ang kanyang asal at demeanor.
Inihalintulad din ng beteranang abogada ang impeachment trial ng yumaong Chief Justice Renato Corona.
Aniya, nang humarap sa witness stand si Corona ay tuluyan nang nabaliktad at nadiskaril ang takbo ng kanyang depensa.
Sa kabila nito, kumbinsido si Kapunan na hindi kailanman isasalang ng depensa ang mag-asawang Duterte-Carpio sa hot seat.