Nanawagan si House Committee on Agriculture and Food Chair at Quezon Rep. Mark Enverga sa mga ahensya ng gobierno na tiyaking wasto at beripikado ang mga detalyeng isinumite nila sa Kongreso.
Ginawa ni Enverga ang pahayag kasunod ng isyu ng mga maling coordinates sa walong farm-to-market road o FMR projects na napasok sa panukalang pambansang badyet.sa mga proyektong pang-agrikultura.
Iginiit ni Enverga na hindi dapat iasa sa mga mambabatas ang pagsusuri sa bawat teknikal na detalye ng pambansang pondo.
Paliwanag ni Enverga, ang Department of Agriculture o DA, sa pamamagitan ng kanilang mga regional office at engineering personnel, ang may pangunahing responsibilidad na kumuha at mag-validate ng mga geographical coordinates ng kanilang mga panukalang proyekto.
Binanggit din ng mambabatas ang kapintasan sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways o DPWH na iniulat ni Camarines Sur 4th District Representative Arnie Fuentebella, kung saan may nakitang problema sa coordinates sa mga proyektong nagkakahalaga ng nasa 17 bilyong piso.
Nilinaw naman ng DA na ang mga error sa walong FMR projects ay kasama na sa National Expenditure Program o NEP na isinumite ng Executive branch, at hindi nagmula sa mga amyenda ng Kamara.
Sa kabila nito, tiniyak ni Enverga na patuloy na babantayan ng Kongreso ang imbestigasyon ng DA at isusulong ang mga reporma. | ulat ni Melany Reyes