Muling iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang kahalagahan ng people-centered development sa pagtatakda ng mga prayoridad ng ASEAN Socio-Cultural Community.
Sa kanyang opening statement sa ika-36 na ASCC Council Meeting sa Maynila, inilahad ni Gatchalian ang ASCC RISE priorities ng Pilipinas bilang chair ng ASEAN, ngayong taon.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng pamilya, pagsusulong ng inclusive growth, pagbibigay-kapangyarihan sa kabataan at inobasyon, at pagtataguyod ng sustainable at food-secure na kinabukasan.
Ayon sa kalihim, kailangang iakma ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kanilang mga polisiya sa nagbabagong kalagayan ng rehiyon, kabilang ang mga hamong demograpiko, socioeconomic, at teknolohikal.
Binigyang-diin niyang dapat manatiling pangunahing layunin ng regional cooperation ang pangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ang mga sektor na nanganganib na maiwan sa pag-unlad.
Isinasagawa ang pulong ngayong araw sa Pasay City, siyam na araw bago ang nakatakdang 49th ASEAN Summit and Related Summits dito sa bansa.