Maaari nang dumaan ang mga bus sa Culiat Bridge II sa Congressional Avenue, Quezon City simula 6:00 ng umaga ngayong araw, Nobyembre 7, kasunod ng isinagawang pagsusuri sa kaligtasan at kapasidad ng tulay.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), iniutos ni Public Works Secretary Banoy Lopez ang pagbubukas ng tulay sa mga bus matapos ang testing at analytical load rating.
Layunin nitong mapabilis ang biyahe ng mga motorista at komyuter, matapos masira ang tulay dahil sa sunog na naganap noong Hulyo sa mga kabahayan sa ilalim nito.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapabilis sa pagbubukas ng tulay para sa mga light vehicle, dalawang linggo lamang matapos ang insidente.
Gayunman, mananatiling bawal ang pagdaan ng mga malalaking trak sa tulay habang hindi pa natatapos ang pagsusuri sa kapasidad nito para sa heavy vehicles na nakatakda ngayong Nobyembre.