Screenshot
Pinalalakas ng Germany ang pakikipagtulungan nito sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN upang mapahusay ang pagsubaybay at pagsusuri sa pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng ASEAN Socio-Cultural Community o ASCC Strategic Plan.
Sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng Planning, Monitoring, Evaluation, and Learning o PMEL Guidelines sa Pasay City, sinabi ni Dr. Andreas Michael Pfaffernoschke na mahalaga ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga institusyon upang matiyak na naisasalin sa konkretong resulta ang mga pangako at layunin ng ASEAN.
Kabilang sa suporta ng Germany, sa pamamagitan ng German Federal Foreign Office at Federal Ministry for Economic Cooperation and Development, ang teknikal na tulong at capacity-building activities sa tulong ng German development agency na GIZ.
Binigyang-diin ni Pfaffernoschke na mahalaga ang epektibong monitoring at evaluation upang masukat ang progreso ng 12 strategic goals at 363 key performance indicators ng ASCC.
Layunin ng naturang pakikipagtulungan na matiyak na ang mga programa ng ASEAN ay nagdudulot ng makabuluhang benepisyo sa mamamayan at nagpapalakas sa isang inklusibo, matatag at people-centered na rehiyon.