Photo courtesy of Coast Guard District Bicol
Tatlong indibidwal ang nasawi matapos masangkot sa insidente ng pagkalunod sa karagatan ng Barangay San Rafael, Sta. Magdalena, Sorsogon nitong Nobyembre 4, 2026.
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) District Bicol na matagumpay nang narekober ang lahat ng nasangkot sa insidente matapos ang isinagawang search and rescue operations na tumagal hanggang Nobyembre 5.
Batay sa ulat ng PCG, unang nasagip ang isang babae at agad na dinala sa Matnog Community Hospital, subalit idineklarang patay. Narekober din ang isa sa dalawang lalaking nawawala habang nagpapatuloy ang paghahanap sa ikatlong indibidwal.
Noong Nobyembre 5, natagpuan naman ang huling nawawalang lalaki sa karagatan malapit sa Sitio Olango, Barangay San Rafael, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang mangingisda. Dinala siya sa Sta. Magdalena Rural Health Unit kung saan idineklara rin siyang patay.
Batay sa paunang impormasyon, tinangka umanong sagipin ng dalawang lalaki ang babae na unang nangailangan ng tulong habang nasa tubig, subalit nanaig ang malakas na agos at malalaking alon.
Pinangunahan ng PCG District Bicol ang operasyon katuwang ang Coast Guard units sa Sorsogon, MDRRMO at Bantay Dagat. Muling pinaalalahanan ng PCG ang publiko na maging maingat sa mga aktibidad sa katubigan, palaging alamin ang kondisyon ng dagat at iwasan ang mga lugar na may malalakas na agos at alon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.