Inaasahang mapalalakas ang produksyon ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka sa Barangay Taisan, Basud, Camarines Norte sa pamamagitan ng bagong Pinagwarasan Solar-Powered Irrigation Project ng National Irrigation Administration (NIA).
Ayon sa NIA Bicol, malaking pagbabago ang hatid ng proyekto sa mga magsasakang dating umaasa lamang sa tubig-ulan para sa kanilang mga pananim.
Ayon kay Jocelyn Vega, miyembro ng Samahang Magbubukid ng Barangay Taisan, Inc., tumaas ng 27.14% ang kanilang ani mula sa dating hindi lalagpas sa 70 sako kada cropping season, na ngayon ay umaabot na sa 89 sako mula sa 0.9 ektaryang sakahan.
Bukod sa pagkakaroon ng maaasahan at makabagong sistema ng patubig, malaking ginhawa rin ito sa mga magsasaka dahil nababawasan ang gastusin sa kuryente at krudo.
Ayon sa NIA Bicol, may kabuuang 15 ektaryang lupang sakahan ang saklaw ng proyekto na inaasahang makatutulong sa pagpapataas ng ani at pagpapalakas ng produksyon ng palay sa lugar.