Naghahanda ang pamahalaan ng iba’t ibang programa upang matugunan ang tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na kabilang sa mga hakbang ang pagsasanay at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga manggagawa upang maka-angkop sa digitalization at pag-unlad ng artificial intelligence o AI.
Kabilang din sa mga programa ang pagtutugma ng kakayahan ng mga naghahanap ng trabaho sa mga bakanteng posisyon, gayundin ang pagbibigay ng suporta sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Ayon kay Castro, palalawakin din ang mga manufacturing facilities at economic zones upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at mapaunlad ang logistics sector.
Inaprubahan na rin ang mga bagong special economic zones, kung saan 43 ang matatagpuan sa labas ng Metro Manila.
Sa naturang bilang, 29 ang nasa Luzon, 12 sa Visayas at lima sa Mindanao.
Inaasahan ng pamahalaan na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay mas maraming trabaho ang malilikha at mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng oportunidad na makahanap ng hanapbuhay.